21/04/2026
Lake Holon soon🍃
Muling pagbubukas ng Lake Holon at pagpapatuloy ng iba pang aktibidad sa turismo ng bayan ng Tboli, opisyal nang idineklara
Bukas na muli sa publiko at mga turista ang Lake Holon sa bayan ng Tboli, South Cotabato simula kahapon, Lunes, Abril 20, 2026.
Ito ay matapos magpalabas ng Executive Order No. 31 Series of 2026 si Tboli Municipal Mayor, Hon. KEO DAYLE T. TUAN, upang ipawalang bisa ang Executive Order No. 27 Series of 2026, na nag-aatas ng pansamantalang pagsasara ng Lake Holon, at pagpapaliban sa lahat ng mga aktibidad ng turismo sa lugar, kabilang ang mga katulad na aktibidad sa lahat ng tourism destinations na matatagpuan sa bayan.
Ang muling pagbubukas ay dahilan ng sunod-sunod na Security Assessments at Clearing Operation ng PNP (Tboli Municipal Police Station) at AFP (105th Infantry Battalion) sa Lake Holon at sa paligid nito, na itinuring na nilang “generally safe for controlled public access”, simula kahapon.
Dito ay inirekomenda ng dalawang ahensiya, na pahintulutan ang unti-unting pagpapatuloy ng mga aktibidad sa tourism destinations ng Tboli, habang pinapanatili ang naaangkop na hakbang sa seguridad, upang matiyak ang patuloy na kaligtasan ng mga bisita at stakeholder.
Matatandaan, na pansamantalang isinara ang Lake Holon noong Abril 10, 2026, upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng lahat ng nasasakupan, lalo na ang mga turista at bisitang dumarating sa bayan, kaugnay sa nangyaring armadong labanan na naganap noong Abril 9, 2026 sa Sitio Tbul, Barangay Laconon, Tboli, South Cotabato. (Johnary G. Orella, MIO News Team)