10/12/2025
PINAG-IINGAT ng Malay Tourism Office ang lahat ng turista sa pag-book ng tours, accommodations, transportation, at iba pang serbisyo sa turismo, lalo na sa mga online transactions.
Ayon sa ahensiya, bagamat karamihan sa mga service provider ay lehitimo at rehistrado, posibleng makatagpo ng mga hindi rehistrado o pekeng operators.
Batay sa abiso ng Malay Tourism Office, may panganib ng online scams kung saan maaaring maningil ng sobra, manlinlang, o hindi maibigay ang serbisyong binayaran.
Bukod dito, ang serbisyo mula sa unverified providers ay maaaring hindi sumusunod sa safety at service standards, at posibleng magdulot ng financial loss o legal issues.
Para maiwasan ang panganib, ipinapayong:
• Siguraduhin na ang provider ay DOT-accredited o rehistrado sa LGU bago mag-book.
• Iwasan ang transaksyon sa mga unofficial social media pages o suspicious links.
• Tumanggi sa mga unsolicited offers o sobrang murang online rates.
• Suriin ang reviews at rekomendasyon mula sa trusted sources o opisyal na tourism channels.
Para sa kumpirmasyon o katanungan tungkol sa accredited tourism providers, maaaring makipag-ugnayan lamang sa Malay-Boracay Tourism Office.|SMV
Sa iba pang balita, bisitahin: www.radyotodo.ph