07/08/2025
Sa dulong Luzon, sa magandang bayan ng Camalaniugan, isang makulay at masayang pagdiriwang ang naghihintay sa atin. Handa na ba kayo para sa ika-429 na Patronal Town Fiesta at ika-13 na Ananat Festival?
Higit pa sa isang simpleng pagtitipon, ang ating taunang pista ay isang pagpapahayag ng ating matatag na pananampalataya, isang pagkilala sa ating mayamang kultura, at isang pagdiriwang ng masaganang ani na biyaya ng ating Panginoon. Sa loob ng 429 na taon, ang ating Patronal Town Fiesta ay naging saksi sa pag-unlad ng ating bayan, sa pagkakaisa ng ating mga mamamayan, at sa pagtitiyaga na nag-udyok sa atin upang harapin ang anumang pagsubok.
Ang ika-13 na Ananat Festival naman ay isang pagpupugay sa ating mga weavers kasama na din ang ating mga magsasaka, ang mga taong nagsusumikap araw-araw upang maibigay sa atin ang magagandang paghabi na gawa sa ananat, masasarap at masustansyang pagkain. Ito ay isang pagkilala sa kanilang sipag at dedikasyon, sa kanilang pagmamahal sa lupa, at sa kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng ating ekonomiya. Sumisimbolo din ito ng ating pag-asa at kasaganaan.
Sa taong ito, inaanyayahan ko kayo na makiisa sa ating pagdiriwang. Sama-sama nating ipakita ang ating pagkakaisa, ang ating pagmamahal sa ating bayan, at ang ating pasasalamat sa lahat ng biyayang natatanggap natin. Hayaan nating ang ating mga ngiti, ang ating mga kanta, at ang ating mga sayaw ay magbigay ng sigla at kulay sa ating pagdiriwang.
Magsaya tayo! Magsama-sama tayo! Mabuhay ang Camalaniugan! Mabuhay ang ika-429 na Patronal Town Fiesta at ika-13 na Ananat Festival! Magkita-kita tayo sa Agosto 13, 2025 sa Sports Complex para sa opening ceremony ng ating pista!
✍️Joe Lord Nacorda
👩💻Clarifel Miguel