27/05/2026
KINATAWAN NG EL NIDO SA MUTYA NG PALAWAN
Opisyal nang inanunsyo ng Binibining El Nido Committee na si Ms. Ma. Ivy Jane Socrates ang itatalagang kinatawan ng bayan ng El Nido para sa Mutya ng Palawan 2026.
Ayon sa komite, isinagawa ang masusing pagsusuri sa mga qualification at eligibility requirements ng Mutya ng Palawan 2026 kasabay ng koordinasyon sa provincial organizers bago napili si Socrates bilang opisyal na delegado.
Dahil dito, hindi na magpapatuloy bilang kinatawan ng El Nido ang reigning Binibining El Nido 2026 na si Ms. Anna Nicole Bacaltos. Ibinahagi rin ng komite na hindi rin umano pumasa sa partikular na qualification criteria ng pageant ang ilan pang elemental queens ng Binibining El Nido 2025 at 2026.
Nilinaw naman ng organizers na hindi nito binabawasan ang kakayahan, dignidad, at naging ambag ng kanilang mga reyna sa pageant at sa bayan ng El Nido.
Samantala, buo naman ang suporta ng komite kay Ma. Ivy Jane Socrates sa paghahanda nito bilang magiging kinatawan ng El Nido sa mas malaking entablado ng Mutya ng Palawan 2026.