20/08/2024
HENERAL CLARO T. GUEVARA
Pambayang Bayani ng Bayan ng Gasan
Si Heneral Claro T. Guevara ay isang tubong Gaseńo. Isinilang noong Agosto 11, 1864 at pangatlong anak nina G. Julian Sena Guevara at Gng. Francisca Saet dela Torre. Isang inhinyero at nang sumiklab ang Rebolusyon laban sa mga kastila ay nagpasyang lumaban para sa pagpapalaya ng Bayan sa pamumuno ni Heneral Emilio Aguinaldo at itinalaga sa Timog-Katagalugan at Samar noong panahon ng Rebolusyon laban sa mga kastila.
Panahon naman ng Digmaang Amerikano-Pilipino, matapos mahuli si Heneral Vicente Lukban ng pwersa ng mga amerikano ay humalili bilang pinuno ng Hukbong Pilipino sa mga Probinsya ng Samar at Leyte. Sunod-sunod ang pagkatalo ng pwersang Pilipino laban sa mga amerikano at tuluyang pagsuko nina Heneral Emilio Aguinaldo at iba pang mga heneral sa iba't-ibang panig ng bansa. Dahil sa tuluyang paghina ng pwersa ng mga rebolusyunaryong pilipino ay nagpasya na ring sumuko si Heneral Claro T. Guevara.
Kalakip ng kanyang pagsuko ay ang sulat kay Heneral Smith ng pwersang amerikano bilang kundisyon upang magbaba ng armas at tuluyang sumuko si Heneral Claro T. Guevara. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod; pagbibigay ng amnestiya sa mga bilanggong pulitikal at mga rebolusyunaryong pilipino, pagsuko ng amerika sa mga teritoryo ng pilipinas para sa mga pilipino, kalayaan sa pamamahayag at libreng edukasyon.
Abril 27, 1902, tuluyang sumuko si Heneral Claro T. Guevara kasama ang 744 rebolusyonaryong pilipino kay Heneral Frederick Dent Grant, pinuno ng 6th Infantry Brigade sa Catbalogan, Samar. Nanatili siya sa Samar hanggang taong 1907 bago tuluyan bumalik sa Bayan ng Gasan. Ikinasal siya kay Pilar Sotto Orlina ngunit sila ay hindi pinalad na magkaroon ng anak. Sa tahanan ng kanyang mga magulang sa Barangay Tres, Gasan unang ginanap ang kauna-unahang Banal na Misa ng Iglesia Filipina Independiente sa lalawigan ng Marinduque noong Mayo 18, 1905. Namatay si Heneral Claro T. Guevara noong Setyembre 15, 1930.
Noong Oktobre 14, 1930 ay kinilala siya ng Asociacion de los Veteranos de la Revolucion bilang kasapi ng mga beteranong opisyal sa ilalim ni Pangulong Heneral Emilio Aguinaldo. Ang kanyang pagiging makabayan ay patunay ng pagmamahal sa Bayan na handang ialay ang buhay para sa kalayaan ng Bayan.
Heneral Claro T. Guevara, ang aming pagsaludo!
Bayani ng lahing Gaseńo!
Kaalaman:
Sa bisa ng Pambayang Ordinansa bilang 143 serye 2012 ng Bayan ng Gasan at kinilala ng Resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Lalawigan ng Marinduque, Resolusyon bilang 834 serye 2012 noong Nobyembre 23, 2012 ay pinagtibay ang pagkilala kay Heneral Claro T. Guevara bilang Pambayang Bayani ng Bayan ng Gasan.