31/10/2026
May mga taong hindi lamang nagiging bahagi ng isang pagdiriwang, kundi nagiging bahagi ng kasaysayan at pagkakakilanlan ng isang bayan.
Buong lungkot at pakikiramay ang ipinapaabot ng Nagcarlan Tourism and Culture Office sa pagpanaw ni "Direk Excie Magcase", isa sa mga naging haligi ng Ana Kalang Lanzones Festival at ng turismo ng Nagcarlan sa loob ng halos ilang dekada.
Ang kaniyang talento, dedikasyon, malikhaing kaisipan, at walang sawang pagmamahal sa kultura at sining ay naging mahalagang bahagi ng paghubog at pagpapayabong ng ating mga pagdiriwang. Maraming kuwento, pagtatanghal, at makasaysayang sandali ng Ana Kalang Lanzones Festival ang mananatiling buhay bilang bahagi ng kaniyang iniwang pamana.
Hindi matutumbasan ng panahon ang mga kontribusyon ng isang taong nag-alay ng kaniyang kakayahan upang maipagmalaki ang kultura at tradisyon ng ating bayan. Maaaring nagpaalam na siya sa mundong ito, ngunit ang kaniyang mga likha, alaala, at legasiyang iniwan ay patuloy na mabubuhay sa puso ng mga taong kaniyang nakasama at sa kasaysayan ng turismo ng Nagcarlan.
Maraming salamat, Direk Excie, sa mga taon ng paglilingkod, inspirasyon, at makabuluhang ambag sa ating bayan. Mananatili kang bahagi ng kuwento ng Ana Kalang Lanzones Festival at ng Nagcarlan.
Sa pamilya, mga kaibigan, at mga mahal sa buhay na naiwan, taos-puso po kaming nakikiramay.
Paalam, Direk Excie. Ang iyong legasiya ay hindi kailanman malilimutan.
Rest in peace. 🕊️