22/11/2022
Pare-parehong multa sa mga paglabag sa batas-trapiko, isinusulong ng LTO, MMDA at mga LGU
PINAG-AARALAN na ngayon ng ibaβt-ibang ahensya ng gobyerno na mapag-isa o gawing pare-pareho at mas malinaw ang kahulugan ng mga paglabag sa batas-trapiko at halaga ng mga multang ipapataw dito.
Kabilang sa mga dumalo sa idinaos na ikatlong pagpupulong ng Technical Working Group (TWG) ang mga opisyal ng Land Transportation Office (LTO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at mga kinatawan ng ibaβt-ibang lokal na pamahalaan sa Kalakhang Maynila.
Partikular na natalakay ay ang pagtutulak na maipatupad ang Metro Manila Single Ticketing System na naghahanay ng mga paglabag sa batas-trapiko at ang mga katapat na parusa o multa nito.
Ilan sa mga paglabag ng motorista na nais na mapagmulta ay disregarding traffic sign, illegal parking (attended at unattended), reckless driving, pagmamaneho na walang lisensya, pagmamaneho na walang rehistro ng sasakyan, overspeeding, illegal counterflow, hindi pagsunod sa number coding at obstruction.
Inilatag din sa pulong ang mahigpit na pagpapairal ng tricycle ban lalo na sa national highways at kaukulang speed limit ng mga ito gayundin ang truck ban at light truck ban.
Batay pa sa panukala ng MMDA, mahigpit na rin ang pagbabawal sa hindi pagsusuot ng helmet kapwa ng drayber at pasahero ng motorsiklo gayundin ang paggamit ng substandard na helmet.
Sa ngayon ay isinasapinal pa ng mga miyembro ng TWG ang makatwirang halaga ng multa na ipapataw sa mga hindi sumusunod sa batas-trapiko.
Tiniyak naman ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo "Jay Art" Tugade na daraan sa mga pampublikong konsultasyon ang ilalatag na mga panuntunan para sa Single Ticketing System.
βRest assured po na lahat ng stakeholders na involved, lahat po ng stakeholders ay ikokonsulta at ikokonsidera po lahat ng mga rekomendasyon, agam-agam at kung ano pa man para po ma-implement natin nang maayos itong programa natin," ayon kay Tugade.
Bagamat may mga pinagdaraanang pagsubok ang panukalang sistema, ipinahayag ni Tugade ang kumpiyansa na maipatutupad ito sa lalong madaling panahon.
"So ngayon po, meron pa tayong challenges. Hopefully, we can address the concerns, legally, βyung mga kinaharap natin. To address the timeline, siguro po mga earliest next year na po natin mapapatupad ito assuming everything goes well in the next coming weeks," dagdag pa ni Tugade.
Kasabay nito, umapela si Tugade ng suporta ng publiko dahil kung mapagtitibay na aniya ang Single Ticketing System ay makatutulong ito sa modernisasyon ng road transport system ng bansa.
βSana po suportahan po nating lahat dahil kailangan po natin ito. This is one step forward toward improvement, towards modernizing our road transport system,β pagdidiin pa ni Tugade.
π΅π