20/01/2026
PAGKAKAROON NG CITY ZOO AT PAG-DEVELOP NG IBA PANG TOURIST DESTINATIONS, IPINAPANUKALA SA PUERTO PRINCESA
Puwede kayang solusyon? Isinusulong ni Councilor Elgin Damasco ang pagkakaroon ng sariling “city zoo” at pag-develop ng iba pang bagong tourist destinations sa Puerto Princesa upang imbis na stopover lang ay mas tumagal ang pagbisita ng mga turista dito at bilang dagdag income din.
Ayon kay Damasco, base sa kanyang obserbasyon ay talagang kulang na ang mga lugar na maaaring puntahan ng mga turista sa lungsod na siyang dahilan kung bakit tila dinadaanan na lamang ito:
Ang nangyayari umano sa ngayon ay nasa isang araw na lang nananatili dito ang mga bakasyunista matapos mapuntahan ang Puerto Princesa Underground River, Honda Bay, at makapag city tour. Pagkatapos nito umano ay dumi-diretso na sila sa Port Barton sa San Vicente o di naman kaya ay sa bayan ng El Nido.
Tila napipilitan na lamang umanong dumaan ang mga ito sa lungsod dahil mas mura ang pamasahe sa eroplano patungo dito kung ikukumpara sa pamasahe direkta sa El Nido.
Dahil dito, kailangan anyang matutukan ang usaping ito bago pa mahuli ang lahat at dumating ang panahon na talagang mapag-iiwanan na ang lungsod ng ibang munisipyo sa Palawan.
“Medyo humina ang turismo natin. Mayroon akong mga foreigners na nakausap ay parang sinasabi nil ana ‘yun lang? Tila nakukulungan sila sa mga pupuntahan at parang may mga gusto pa silang makita,” ani Damasco.
“Ano pa ba ang pwede nating gawin para manumbalik ang sigla ng turismo at mga orihinal na tourist destinations ng lungsod ng Puerto Princesa? Kung maaari, mag-isip pa tayo ng dagdag pa na mga tourism destination para may rason ang mga turista na mag-stay,” dagdag pa nito.
Nagkaroon din anya ito ng pagkakataong makausap ang ilang miyembro ng tourist accommodations sa lungsod at ito rin ang kanilang sentimyento kung saan uma-aray na anya ang mga ito sa pagbaba ng tourist arrivals sa Puerto Princesa na nakaka-apekto ng malaki sa kanilang mga negosyo.
Dahil dito, bilang opisyal ay kailangan na anyang kumilos at tulungan ang City Tourism Office sa paghahanap at paggawa ng solusyon sa problemang ito.
Sa kanyang panukalang pagkakaroon ng “zoo” at parke, inihalimbawa ni Damasco ang Bukidnon na hindi naman kilala noon pero dinarayo na ngayon ng mga turista.
Gayundin ang Calauit Safari Park sa bayan ng Busuanga na kahit malayo at sinasadya ng mga turista dahil sa mga ino-offer ng mga ito sa bumibisita sa kanilang bayan.
Kung nagawa anya ito sa ibang lugar ay hindi imposible na magawa rin sa lungsod lalo pa’t base sa kanyang nalaman, hindi naman kinakailangan ng malaking halaga para sa mga proyektong tulad nito.
“Hindi sila gumastos ng malaki dyan at kung hindi ako nagkakamali ay nasa ₱50 million pati na ang pagbili ng mga hayop pero kumikita sila. Ang pinupunto ng representasyon na ito ay kung maaari, gumawa pa tayo at mag-isip pa tayo ng karagdagang tourist destination,” sabi pa ni Damasco.
Samantala, iginiit n ani Damasco na dapat masimulan na ito ngayon bago mahuli ang lahat dahil sa oras na matapos anya ang ginagawang airport sa bayan ng Balabac at mapasimulan ang planong pagtatayo ng international airport sa bayan ng Taytay ay baka mapag-iwanan na ang lungsod ng Puerto Princesa. —via CHRIS BARRIENTOS
📷 Photo courtesy of PIA Palawan