03/07/2025
Pls click photo and react❤️ thank u!
MAGULANG KO IDOLO KO
Sa isang komunidad dito sa Barangay La Paz, San Narciso, Zambales, naninirahan ang mga katulad ng aking mga magulang bilang mga mangingisda. Ang pangingisda ay maituturing naming malaking katulungan sa aming araw araw na pamumuhay at nakakapagbigay suporta sa aming mga pangangailangan.
Kami ay ang pamilyang Salvador na binubuo ng apat na miyembro. Si papa Jessie, si mama Antonette, ako si Jeian Carl, ang panganay na anak at ang bunso na si Jette Charles.
Ang uri ng pangingisda na ginagamit dito sa amin ay ang kauna-unahang Lambaklad project na ipinagkaloob ng BFAR. Ang Lambaklad ay isang ligtas at hindi nakakasira ng mga corals na pamamaraan ng pangingisda. Ito ay gawa sa lambat, lubid, mga bato at pinapalibutan ng mga buya. Hindi ito ginagamitan ng makinarya at walang malaking puhunan na kinakailangan para makalaot.
Malaking katulungan ito sa pangingisda sapagkat konting oras lamang ang knila ginugugol sa pangingisda at nagagawa pa nila ang iba pa nilang mga gawaing pangkabuhayan.
Araw araw ay dalawang beses ang pag aani ng isda, isa sa umaga at isa naman sa hapon. Ang isdang nahuhuli ay ibinibenta naman sa CFLC.
Makikita sa larawan ang aking mama (nakapula sa kaliwang bahagi) , papa( nakaitim sa gitna at nakatayo) ako (naka kulay violet sa harapan). Bakas sa aming mga muka ang saya sa tuwing pagkatapos ng aming paghaharvest. Ang laki ng aming nahuling tanige sa araw na yan. Isang palatandaan ito na ang aming pagod at pakikipagsapalaran sa alon at init ng araw ay may gantimpala. Dito sa aming komunidad ay talaga nga po naman na medyo may kahirapan po talaga ang buhay sapagkat hindi po natin alam kung kelan tayo makakaswerte ng maraming huli at kung minsan ay walang wala din talagang huli at mkikita mo ang bakas minsan ng lungkot sa kanilang mga mukha. Pero ganunpaman, ay talagang sinisikap ng mga mangingisda dito na mas galingan pa sa mga susunod na araw at laging positibo na makakaswerte din ng maraming huli. Naniniwala ang lahat na darating din ang gantimpala basta laging positibo at magtiwala lang palagi. Talagang makikitaan mo sila ng tiyaga at determinasyon para sa hinaharap.
May mga suliranin din kaming kinakaharap bilang mga mangingisda. Ito ay ang panahon ng tag ulan. Ito ang palagi nilang pinaghahandaan, sapagkat tuwing tag ulan ay walang pangingisda dahil malalaki ang alon at mahirap makipagsapalaran. Kung kaya nmn, para hnd mahirapan at hindi magutom pagdating ng tag ulan ay may alternatibong hanapbuhay ang aking mga magulang at bukod pa dito ay talagang pinaghahandaan na ang pagdating ng tag bagyo sa pamamagitan ng pag iimpok habang maganda pa ang kitaan sa pangisdaan, nang sa gayon ay may madudukot pagdating ng unos.
Hinahangaan ko ang aking mga magulang at pinagmamalaki ko sila bilang mga mangingisda sapagkat naitataguyod nila ang aming pamilya at nakikita ko ang kanilang sipag at determinasyon sa araw araw na pagsisikap sa kbila ng init at alon sa gitna ng dagat. Saksi ako sa pagod na hindi nila iniinda sapagkat layon nila ang maayos na buhay para sa aming pamilya.